Mga ahensyang pinangalanan ni Sen. Pacquiao na dawit umano sa katiwalian, iniimbestigahan na ng PACC

Nanindigan ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na iniimbestigahan na nila ang mga sangay ng pamahalaan na dinawit ni Senator Manny Pacquiao sa umano’y issue ng katiwalian.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PACC Chairperson Greco Belgica na bago pa man ito isiwalat ng senador ay may ikinakasa na silang imbestigasyon hinggil dito.

Ang nais ni Belgica ay isumite ni Pacquiao ang mga dokumento o ebidensya na magpapatunay na may katiwalian nga sa mga ahensyang ito.


Ilan sa mga ahensyang idinawit ng senador ay ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kasunod nito, tila mahirap ani Belgica na magkasa ng imbestigasyon kung wala si Pacquiao sa Pilipinas para personal na makipagtulungan sa kanila.

Aniya, nasa senador kasi ang burden of proof o dapat ito ang magpatunay sa mga alegasyong ipinupukol nito at dapat din nitong mapatunayan na iba pa ang katiwaliang kanyang isiniwalat kumpara sa mga korapsyong iniimbestigahan na ng PACC.

Facebook Comments