Kinalampag ni Bayan Muna Partylist Representative Ferdinand Gaite ang pamahalaan na tulungan ang mga empleyado ng mga airlines na kasama sa mass lay-off bunsod pa rin ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Isinisisi ng kongresista sa gobyerno na umabot sa pagkawala ng mas maraming trabaho at pagbagsak ng ekonomiya ang kabagalan, kawalan ng plano, at kakulangan sa pagpapatupad ng solusyong medikal para sana tugunan ang epekto ng krisis sa bansa.
Umabot na sa 1,000 empleyado ang na-retrench ng 1Aviation Ground Handling Services Corporation na siya ring humahawak ng airport services ng Cebu Pacific.
Nito lamang din Abril kasunod ng Luzon-wide lockdown ay may nauna nang 400 na bagong hired na mga empleyado ang natanggal sa trabaho.
Hindi rin nakaligtas sa retrenchment ng mga manggagawa ang iba pang local carriers katulad ng Philippine Airlines na may 300 employees na na-layoff noong Pebrero, 190 employees naman sa Cebu Pacific noong Marso habang 260 employees naman ang nanganganib maalis sa trabaho sa katapusan ng Hunyo sa Philippines AirAsia.
Hiniling ni Gaite sa pamahalaan na tulungan at palawigin ang pamamahagi ng financial aid sa mga empleyado ng airlines gayundin sa iba pang nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya.