Hiniling ni Deputy Speaker Johnny Pimentel sa gobyerno na tulungan sa lalong madaling panahon ang mga airline sa bansa sa kanilang pagbabalik-operasyon matapos ang ilang buwang krisis sa COVID-19.
Ayon kay Pimentel, mula mid-March hanggang ngayon ay natengga ang mga domestic at international flights ng bansa.
Giit nito, dapat na matulungan ng pamahalaan ang tatlong leading airlines ng bansa, ang Philippine Airlines, Cebu Pacific at AirAsia Philippines, kahit man lang sa unti-unting pagbabalik muna ng domestic flights operation.
Mas lalo aniyang malaki ang salaping mawawala sa mga airlines kung patuloy na mabibitin ang kanilang operasyon na tiyak na makakaapekto hindi lamang sa kita kundi sa mga empleyado nito at sa ekonomiya ng bansa.
Inirekomenda ni Pimentel sa gobyerno ang paglikha ng mga kondisyon para sa pagbabalik-operasyon ng mga airlines, kahit sa domestic muna tulad ng pagpapasok ng mga bagong investor para makabawi sa pagkalugi na dulot ng pandemic.
Maaari din aniyang pumasok ang mga industry players sa bridge loans, float commercial papers at equity financing para maisaayos ang liquidity at makabangon sa epekto ng krisis.
Posible din aniya ang pag-i-isyu at pagbebenta ng stocks sa mga bagong investors ngunit dapat ay walang magbabago sa control o ownership ng airline.