Dagupan City – Kung sa palagay natin na ang ating mga bumbero ay abala lang sa pag-apula tuwing may sunog, nagkakamali kayo. Sa mga huling araw ng bakasyon marami pang mga ibang aktibidades ang kanilang ipinapatupad at nilalahukan.
Isa na nga dito ang paghihikayat ng mga kabataan sa lungsod na maging kabilang sa Junior Fire Volunteers kung saan sinasanay nila ang mga kabataan may edad na 18 hanggang 19 anyos mula sa basic ng pagiging bumbero hanggang sa kung papano mag-apula ng sunog.
Bukod dito ang kanilang aktibong pakikilahok sa Brigada Eskwela 2019 na sinumulan nila noong nakaraang linggo. Magtutuloy-tuloy ang kanilang ayuda sa DepEd bilang mga volunteers sa paghahanda ng mga paaralan sa lungsod bago ang klase sa June 3.
Kabilang din sa kanilang dagdag aktibidad ngayon ay ang kanilang programa na “Handog Ko para sa Edukasyon Mo” na naglalayong tulungan mabigyan ng libreng school supplies ang mga mag-aaral sa ilang island barangays ng lungsod na kapos sa buhay. Sa ngayon ang nasabing aktibidad ay nasa ikalawang taon na ng pagtulong.
Samantala, hinihimok parin ng mga taga BFP Dagupan sa pamumuno ni CINSP Georgian DM Pascua ang mga mamamayan na makiisa sa kanilang adbokasiya lalo na ang mga kabataan para gawing produktibo ang kanilang natitirang araw ng bakasyon.