Bumaba ang bilang ng mga aktibidad ng Bulkang Mayon sa Bicol.
Sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), dalawang volcanic earthquakes ang naitala sa nakalipas na 24 oras, mas mababa sa nagdaang siyam na volcanic quakes at nakapagtala rin ang bulkan ng siyam na Pyroclastic Density Current (PDC) events na mas mababa ito sa 13 PDC noong Biyernes.
Mabagal pa rin ang pagdaloy ng lava na may haba na 1.5 kilometro sa bulkan at pagguho ng lava hanggang 3.3 kilometro patungo sa Mi-isi at Bonga Gullies.
Nakapagtala rin ng 280 rockfall events ang bulkan at nagluwa ng may 978 tonelada ng asupre bukod sa plume na may 100 metrong taas na napadpad sa gawing kanluran.
Patuloy namang namamaga ang bulkan at nananatiling nasa Alert Level 3.
Bunsod nito, patuloy na pinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok ng sinuman sa anim na kilometrong (6 km) radius permanent danger zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Dahil sa posibleng pagguho ng bato, pagtalsik ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava at katamtamang pagputok ng bulkan at pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan doon.