Aalamin ng Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) matapos na maligtas kahapon ang isang Chinese kidnap victim at 42 pang Chinese nationals na umano’y ilegal na ikinulong at binebenta ng kanilang kompanya.
Ang mga dayuhang biktima ay naligtas kahapon ng mga tauhan ng PNP Anti-kidnapping Group mula sa Lucky South 99, Fil-Am Friendship Highway Angeles City, Pampanga.
Naaresto sa operasyon ang isang chinese national na kinilalang si Chen Yi Bien alyas Ayi, 33 y/o na HR officer ng Lucky South 99.
Ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos aalamin nila kung ang naturang POGO ay sangkot sa human trafficking at ipapasara kung mapatunayan.
Sinabi pa nito na makikipagpulong siya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration, Chinese Embassy at iba pang ahensya para tutukan ang mga isyu at problema tungkol sa operasyon ng mga POGO.
Samantala, para naman kay PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., titignan ng PNP ang mga record at business permit ng mga POGO at nakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration upang magkaroon ng records ang mga dayuhang pumupunta sa bansa upang magtrabaho sa POGO.