Mga aktibidad para sa ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, inihahanda na ng grupong Bayan; Pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang, tinawag na ‘trahedya’

Inihahanda na ng iba’t ibang grupo ang kanilang mga aktibidad para sa paggunita sa ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution bukas, Pebrero 25.

Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng grupong Bayan, magtitipun-tipon sila sa EDSA People Power Monument bukas para sa maikling programa na susundan ng pagtalakay sa mga kasalukuyang problema ng bansa.

Aniya, magiging tampok sa kanilang pagtalakay ang pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang na aniya’y isang trahedya matapos ang matagumpay na pakikipaglaban ng mga Pilipino sa diktadurya.


“Isang trahedyang nangyari after EDSA, nakabalik yung mga Marcos. I think yun ang tampok na usapin na 37 years after mapatalksik ang diktadura, Marcos ulit ang nakaupo sa Malacañang. Therefore, ang malinaw dun, walang pananagutan, walang accountability at patuloy silang nakinabang doon sa naganap more than 30 years ago. Yun ang paniningil na mangyayari sa araw ng 25,” ani Reyes sa interview ng DZXL.

Inaasahan ding matatalakay bukas sa mga gagawing program ng grupo ang isyu sa nagtataasang presyo ng mga bilihin, pamasahe at mga usaping may kinalaman sa karapatang pantao.

Magsisimula ang programa ng grupo sa bahagi ng White Plains sa Quezon City bandang alas-9:00 ng umaga bukas.

Facebook Comments