MGA AKTIBIDAD PARA SA LINGAYEN BAGOONG FESTIVAL 2026, INILATAG NA

Inilatag na ang mga aktibidad para sa Lingayen Bagoong Festival 2026 sa Lingayen, Pangasinan bilang bahagi ng pagdiriwang na naglalayong itampok ang tanyag na bagoong at mayamang kultura ng mga Pangasinense.

Magsisimula ang selebrasyon sa Marso 18 sa pamamagitan ng Lingayen Bagoong Civic Parade na tampok ang drum and lyre at street dancing exhibition. Sa parehong araw, isasagawa rin ang Miss Gay Lingayen 2026.

Sa Marso 19 naman itatampok ang Lutong Lingayen Cooking Competition na may kasamang Taway-Taway Food Showcase. Pagsapit ng gabi, magaganap ang Labi Na Manag – Inasin, isang cultural presentation na magbibigay-diin sa lokal na wika at tradisyon ng Pangasinan.

Sa huling araw ng selebrasyon sa Marso 20, isasagawa ang Pasyar ed Panag–Inasin, isang educational tour sa bagoong factory. Magtatapos ang festival sa Kalutan Tan Tugtugan ed Dalan sa Lingayen Plaza Circle.

Inaasahang dadagsa ang mga residente at turista sa tatlong araw na pagdiriwang upang higit pang maitaguyod ang Lingayen bagoong bilang isa sa pangunahing produkto ng bayan, kasabay ng pagpapalakas ng lokal na turismo.

Facebook Comments