Makalipas ang sampung taon hindi nagpapasok ng bisita at maging miyembro ng media sa ginanap na Philippine Military Academy (PMA) alumni homecoming sa Fort Gregorio Del Pilar sa Baguio City.
Ito ay bahagi ng precautionary measures ng PMA para maiwasan ang pagkalat ng Corona Virus Disease o COVID-19.
Ayon kay PMA Spokesperson Captain Cherryl Tindog, tanging mga alumni at kanilang mga immediate families lamang ang pinayagang makapasok sa loob ng Fort Gregorio Del Pilar.
Dahil dito, ginawa lamang simple at binawasan ang mga aktibidad ng alumni homecoming.
Kapansin pansin rin ang kawalan ng pagbigat ng daloy ng mga sasakyan patungo sa PMA na nagpapatunay na mababa ang bilang ng mga umakyat sa Baguio para sa taunang PMA alumni homecoming.
Samantala, tiniyak rin ni Tindog na lahat ng pumasok sa PMA ay hindi nakitaan ng sintomas ng Corona Virus lalo’t mahigpit ang paalala ng PMA sa mga PMA alumni na huwag nang tutungo sa gagawing homecoming kung may lagnat na isa sa mga sintomas ng corona virus o COVID-19.