Pinawalang sala ng Manila Regional Trial Court Branch 3 ang dalawang akusado sa umano’y pagpapasabog sa lungsod ng Maynila.
Sa 59 na pahinang desisyon ni Judge Jaime Santiago, kanya rin ipinag-utos ang agarang papalaya sa mga akusadong sina Alvin Kadil alyas Sinbad at Remedios Habin.
Ipinasasauli na rin ang SUV na pag-aari ni Habin na una nang kinumpiska matapos ang pag-aresto sa kanila noong January 05, 2020.
Binigyang-diin ng Hukuman ang kabiguan ng pulisya na mapatunayang pag-aari ng mga akusado ang mga sangkap sa pampasabog tulad ng claymore mine, detonating cords, mga granada at baril.
Tinukoy ni Judge Santiago na “fishing expedition” ang nangyari sa operasyon na walang kaukulang warrant at inabot pa ng 5 oras mula nang maganap ang pagdampot sa mga akusado.
Kasama na rin dito ang pagsisiyasat sa kanilang sasakyan na kinakitaan umano ng mga gamit sa paggawa ng bomba.