Mga alagang hayop, pinatutulungan din sa gitna ng banta ng COVID-19

Hiniling ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong na tulungan din ang mga alagang hayop na posibleng mapabayaan sa gitna ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Kasabay ito ng mga sumbong ng ilang kababayan na hindi maisugod sa veterinary ang kanilang mga alagang hayop dahil kung hindi sarado ang clinic ay hindi naman sila pinapayagang makapasok sa lugar.

Giit ni Ong, dapat na atasan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga personnel na nasa checkpoint at sa mga barangay na payagang papasukin ang mga animal doctors at mga staff basta’t nakasuot ang mga ito ng Personal Protective Equipment (PPE).


Nababahala ang kongresista na maraming mga alagang hayop tulad ng aso at pusa at mga livestock ang hindi mabibigyan ng medikal na atensyon dahil ang mga veterinarians at mga staff nito ay hindi exempted sa ECQ.

Bukod dito, naririyan pa rin ang banta ng Asian Swine Fever (ASF) at Avian Flu sa mga livestock at poultry.

Pinag-iisyu din ng mambabatas ng special passes para sa mga may alagang hayop para maidala agad ang mga ito sa beterinaryo kung kakailanganin.

Dagdag ng mambabatas, sa panahon ng lockdown bunsod ng COVID-19 ay hindi lamang mga tao ang nagkakasakit kundi pati mga pinakamamahal na alagang hayop.

Facebook Comments