
Tahasang itinanggi ni Senate President Tito Sotto III ang mga alegasyon sa inihaing petisyon laban sa kanya ni Atty. Ferdinand Topacio at ng dalawa pang abogado.
Kaugnay ito sa inihain sa Korte Suprema na petition for indirect contempt laban kay Sotto dahil sa umano’y paglampas nito sa “legitimate commentary” matapos na ideklara ng Supreme Court na unconstitutional ang mga articles of impeachment na inihain ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Paliwanag ni Sotto, sa ilalim ng Rule 71 ng rules of court, masasabi lamang na indirect contempt kung ito ay ginawa sa labas ng korte na direktang pumipigil, sumisira at nagpapasama sa administrasyon ng hustisya.
Giit ni Sotto, ang simpleng paghahayag ng pagtutol sa desisyon ng korte ay hindi maituturing na indirect contempt.
Ibinalik ni Sotto kay Topacio na bilang abogado ay nalalaman niya ito dahil siya mismo ay marami nang sinabi sa publiko na kritisismo sa naging desisyon ng korte na hindi pabor sa kaniyang mga kliyente.
Naunang sinabi ni Sotto na ang petisyon laban sa kanya ay walang legal o factual basis at pawang publicity stunt lamang.










