Mga alkaldeng sumingit sa priority list ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, dumipensa

Dumipensa ang ilang alkalde na sumingit sa priority list ng pamahalaan sa pagbibigay ng COVID-19 vaccine.

Kasunod na rin ito ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang siyam na alkalde na sumabay sa inoculation ng 1.7 million healthcare workers.

Katwiran nina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, Legazpi City Mayor Noel Rosal at Bataraza, Palawan Mayor Abraham Ibba, nagdesisyon silang magpabakuna upang mawala ang agam-agam ng kanilang nasasakupan sa COVID-19 vaccine.


Depensa naman ni San Miguel, Bohol Mayor Virgilio Mendez, kwalipikado siya sa natanggap na AstraZeneca vaccine dahil isa siyang senior citizen na may comorbidities.

Giit ni Mendez, hindi siya sumingit dahil maraming healthcare workers ang hindi sumipot sa inoculation kaya isinunod na ang senior citizen na katulad niya.

Halos ganito rin ang paliwanag ni Sto. Nino, South Cotabato Mayor Sulpicio Villalobos, kung saan inuna muna ang lahat ng health workers sa kanilang lugar bago siya binakunahan.

Wala pa namang pahayag hinggil sa isyu sina Mayor Dibu Tuan ng T’boli, South Cotabato; Mayor Elenito Pena ng Minglanilla, Cebu; Mayor Victoriano Torres Iii ng Alicia, Bohol at Mayor Arturo “Jed” Piollo Ii ng Lila, Bohol.

Nauna nang inisyuhan ng show cause order ng Department of the Interior and Local Government ang limang alkalde upang pagpaliwanagin kung bakit naunang nagpabakuna kontra COVID-19.

Facebook Comments