Inihain muli sa Kamara ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang panukala na magpaparusa sa mga anak o sinumang nangangalaga na magpapabaya sa mga matatandang magulang at mga lolo’t lola.
Sa ilalim ng House Bill 4980 ni Biazon ay mahaharap sa parusa ang mga magpapabaya, mang-aabuso at mananakit sa mga matatanda anuman ang kanilang relasyon dito.
Napansin ni Biazon na may mga batas na pumoprotekta sa mga kabataan at kababaihan pero walang batas para proteksyunan ang mga senior citizens.
Tinukoy pa ng kongresista na marami ring ulat na natatanggap na pangmamaltrato, pananakit, exploitation, pagpapabaya at iba pang pang-aabuso sa mga matatanda na madalas ay kagagawan pa ng mga sariling anak o kamaganak.
Sa oras na maging ganap na batas ay mahaharap sa pagkakabilanggo at multa na mula P100,000 hanggang P300,000 ang mga anak, kamag-anak o mga tagapag-alaga na mang-aabuso sa mga matatanda.
Noong 17th Congress ay inihain ni Biazon ang panukala pero hindi ito nabigyang pansin sa Kamara.