Mga appointment para sa mga opisyal sa pamahalaan, siniguro ng Malacañang na agad na isinasapubliko matapos na dumaan sa kailangang proseso

Inihayag ng Malacañang na kanilang ginagawa ang lahat para mailabas sa lalong madaling panahon ang pangalan ng mga indibidwal na itinatalaga sa posisyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Ang pahayag ay ginawa ni Press Secretary Trixie Cruz- Angeles matapos ang lumabas na ulat kaugnay sa umanoy pagtatalaga ni Pangulong “Bongbong” Ferdinand Marcos Jr., ng mauupo sa Bureau of Immigration and Deportation o BID na hindi naman pala totoo.

Sinabi ni Angeles, na kahit pa marami ang humihingi ng kumpirmasyon kaugnay sa appointment ng isang indibidwal ay sinisikap nilang tugunan agad ang mga katanungan na may kinalaman sa mga napapabalitang makakasama sa Marcos administration.


Kapag may confirmation na ayon sa kalihim ay mabilis nilang ipinababatid sa media ang balita matapos ang masusing proseso upang isapubliko na ang isang impormasyon na may kinalaman sa appointment.

Inihalimbawa naman ni Angeles ang kanilang ginawang kumpirmasyon sa Presidential Management Staff, Office of the President at Executive Secretary matapos ang ulat na nagtalaga na ang pangulo ng bagong BID commissioner, lumabas na wala talagang appointment kaya ngayon ay inutos na sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa dokumentong may pirma ang pangulo.

Facebook Comments