Mga Armas at Bala, Nakumpiska sa 2 Bahay sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Nakumpiska ng mga otoridad ang iba’t-ibang klase ng armas at mga bala sa magkahiwalay na search warrant operation sa Lalawigan ng Cagayan.

Una rito, nagtungo sa Sitio Sonsona, Barangay Dummun, Gattaran, Cagayan ang mga elemento ng PNP Gattaran sa pangunguna ni PMaj Edwin Aragon upang isilbi ang search warrant sa bahay ni Kelly Ambida, 48 taong gulang, magsasaka at residente sa naturang Sitio na kung saan ay nasamsam ang iba’t-ibang uri ng baril sa loob ng tahanan nito.

Sa ginawang paghahalughog, nakumpiska ang dalawang (2) unit ng homemade Caliber 38 revolver, isang (1) unit ng homemade Cal 5.56mm, isang (1) unit ng long barrel shotgun, isang (1) unit ng lighter pistol replica, 193 piraso ng bala ng Cal. 5.56mm, 19 piraso ng bala ng Carbine, isang (1) bala ng Cal 45, isang (1) bala ng shotgun, 13 pirasong magazine ng M16 rifle, anim (6) na magazine ng Carbine, isang (1) basyo ng Cal 5.56mm at isang (1) camouflage sa loob ng holster.


Dinala ang suspek sa PNP Gattaran maging ang mga nakumpiskang baril at bala para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Samantala, magkakaibang klase rin ng bala ang nakumpiska sa bahay ng isang negosyante na kinilalang si Michael Macarubbo, nasa hustong gulang at residente ng Brgy Centro East, Sta. Teresita, Cagayan.

Sa search warrant na isinilbi ng PNP Sta Teresita sa bahay ng suspek, nakuha sa pag-iingat nito ang 50 piraso ng bala ng 9mm, 13 na empty shell ng Cal 9mm, isang (1) box ng bala ng Caliber 40, mga bala ng Caliber 45 at Carbine rifle, dalawang (2) holster, isang (1) SAF pin at isang black pouch.

Dinala naman sa CIDG Cagayan ang naturang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa gagawing dokumentasyon bago ito sampahan ng kaukulang kaso ng CIDG.

Facebook Comments