Mga Armas at Bala, Nasamsam sa isang Tsuper

18

Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga alagad ng batas ang isang tsuper matapos masamsaman ng mga armas at bala sa isinagawang search warrant sa barangay Antagan 2nd, Tumauini, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ni PMaj Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police Station, nakilala ang suspek na si Cornelio Diaz, 33 taong gulang, walang asawa at residente ng nasabing barangay.


Pinangunahan ni PMaj Gatan ang pagsisilbi ng search warrant sa tahanan ng suspek kung saan nagresulta ito sa kanyang pagkakahuli.

Nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang isang (1) Caliber 22 homemade revolver na may kasamang bala, isang (1) unit ng Caliber 38, isang (1) homemade shotgun, iba’t-ibang klase ng basyo at bala at isang itim na holster.

Nakuha rin sa kanyang tahanan ang dalawang (2) sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.

Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at disposisyon.




Mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang suspek.

Facebook Comments