Mga asymptomatic kasama ang iba pang frontliner tulad ng media, isasama na sa expanded testing program ng pamahalaan

Kasunod nang pagdating sa bansa ng 10 milyong Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test kits, mas palalawakin pa ngayon ng gobyerno ang testing capacity nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kung dati ay may mga sintomas at close contact lamang sa COVID-19 patient ang prayoridad sa RT-PCR test, ngayon, kasama na rin sa swab testing ang mga asymptomatic o walang sintomas at iba pang frontliners kabilang na ang media personnel.

Tugon din ito ng kalihim sa inihaing petisyon sa Korte Suprema ng ilang sektor na hinihiling na atasan ang gobyerno na magsagawa ng free mass testing sa COVID-19.


Sinabi ni Roque na tiwala siyang ibabasura ng Kataas-taasang Hukuman ang naturang petisyon dahil noon pa man ay may ginagawa ng targeted testing ang pamahalaan, pero ito ay mas pinalawak ngayon dahil dumating na ang 10 million testing kits at dumami na rin ang bilang ng mga testing laboratories sa bansa.

Facebook Comments