Pinatitiyak ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe na virus-free ang lahat ng ba-biyaheng mga bus patungo at galing ng Metro Manila.
Pahayag ito ni Poe sa harap ng nakatakdang pagbubukas sa September 30, 2020 ng ruta ng bus mula at patungo sa Metro Manila, Region 3 at Region 4A.
Ayon kay Poe, susi ang mga provincial bus sa paghahatid ng mamamayan at produkto mula Metro Manila at katabing rehiyon at sa pagbibigay ng pagkakakitaan sa mga drive na matagal ng nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Pero giit ni Poe, kailangang ipatupad ang mahigpit na minimum health standards sa pampublikong transportasyon upang maging ligtas ang bawat biyahe laban sa Coronavirus.
Diin ni Poe, dapat mahigpit na sundin ang safety protocols ng lahat ng pasahero at tsuper tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, physical distancing at pagbibigay ng tamang impormasyon para sa contact tracing.
Ikinatwiran ni Poe na habang nadadagdagan ang mga pampublikong sasakyan sa kalsada, kailangang doblehin din ang pag-iingat upang hindi mahawa at makahawa ng COVID-19.