Mga baboy sa 9 na barangay sa Zamboanga City, nagpositibo sa ASF

Ini-lockdown ang siyam na barangay sa Zamboanga City matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga sample ng kanilang alagang baboy.

Ayon kay Dr. Mario Arriola ng City Veterinary Office, ang siyam na barangay sa Vitali District ay nasa ilalim na ngayon ng census ng kanyang opisina.

Kahit na nakabinbin pa ang resulta ng confirmatory tests, sapat na aniyang nagpositibo sa rapid test ang ilang baboy para ipatigil muna ang distrito na makapag-supply sa lokal na merkado.


Layon din aniya nito na matiyak na walang mga produkto mula sa backyard piggeries ang dadalhin sa city proper, kung saan ibinebenta ang baboy sa maliliit at malalaking flea market at mga meat shop.

Ang siyam na barangay na nasa ilalim ng census ng city veterinary office ay ang Tagasilay, Mangusu, Vitali, Tictapul, Licomo, Limaong, Sibulao, Taguiti, at Tigbalabag.

Facebook Comments