Ipatutupad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) simula ngayong araw ang ilang pagbabago sa passenger capacity load sa Public Utility Vehicles (PUVs) sa buong bansa
hanggang Enero 4 2022.
Base sa memorandum circular na inilabas ng LTFRB, mananatili sa 70% ang passenger capacity load sa mga PUV sa National Capital Region (NCR) at mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Para naman sa mga rehiyon na 50% passenger capacity load ang naipapatupad sa mga PUV ngunit mayroon ng 30% vaccination rate ngayong Disyembre, maaari nang iakyat sa 70% ang kanilang passenger capacity load.
Paliwanag pa ng LTFRB, sa ibang rehiyon na maaari nang maipatupad ang 70%passenger capacity ngunit hindi pa nakukumpirma ang 30% vaccination rate, kailangang magsumite ng Regional Franchising and Regulatory Board ng Memorandum to the Board kasama ang Certification of Vaccination Rate na manggagaling sa Regional Inter Agency Task Force o Department of Health Regional Office.
Para sa Inter-Regional routes, lalo na ang papuntang Metro Manila kailangan pa rin nilang sundin ang passenger capacity ng pinanggalingang rehiyon.