Maliban sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa at para sa mga Pilipino, nararapat ding kilalanin ang kabayanihan ng mga “modern-day heroes” ng bansa.
Sa National Heroe’s Day message ni Speaker Lord Allan Velasco, sinabi niyang hindi dapat kalimutan ang kabayanihan, tapang at sakripisyo ng mga pambansang bayani na inialay ang buong buhay at serbisyo para sa bayan.
Sinabi rin ng Speaker na bukod sa mga kinikilalang bayani ng bansa ay dapat ding pasalamatan at ipagbunyi ang mga makabagong bayani na matapang namang lumalaban at nagbibigay serbisyo sa gitna ng pandemya.
Kabilang aniya sa mga matatapang at masisipag na modern-day heroes ay ang mga medical frontliner at iba pang essential worker dahil sa kanilang mahalagang papel sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Gayundin, dapat aniyang saluduhan ang mga pulis at sundalo na sinusuong ang panganib sa kanilang buhay para maprotektahan ang mga komunidad.
Tinawag naman ni Velasco na sports heroes ang mga national athlete na aniya’y nagsisilbing inspirasyon at lakas ng mga Pilipino sa gitna ng mga pagsubok na dinaranas ngayon ng mga Pilipino at ng bansa.