Manila, Philippines – Matagal nang nagpatupad ng mga bagong stratehiya ang Phiippine National Police kaugnay sa kanilang kampanya kontra iligal na droga.
Ito ang reaksyon ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa sa naging pahayag ni Senator Panfilo Lacson na baguhin ng PNP chief ang strategy sa kanilang war on drugs dahil sa mga negatibong komento ng publiko.
Sinabi ni Dela Rosa na ang pagpapatupad nila ng double barrel reloaded, oplan revisited at pagsasagawa ng high value target revalidated ay bahagi ng mga bagong stratehiya sa war on drugs campaign ng PNP.
Aminado naman si Dela Rosa na nasisingitan noon ng mga pasaway na pulis ang kanilang kampanya dahil sa personal agenda ng mga ito.
Ang mga ganitong pulis aniya ay hindi nila kinukunsinti kung kayat nagbago sila ng stratehiya sa proseso sa war on drugs at bumuo ng Counter Intelligence Task Force o CITF para pangunahan ang internal cleansing sa PNP.
Inihayag naman ni PNP Chief na palagi silang nagkakausap ni Senator Lacson at lahat aniya ng mga payo nito ay tinatanggap at pinag-aaralan niya dahil alam niyang makakatulong ito sa PNP lalo na sa kanilang laban sa iligal na droga.