Inaprubahan “in principle” ang panukala na maglilibre sa mga bakuna at iba pang critical medical products sa pagbabayad ng buwis tuwing panahon ng public health emergency.
Ito’y matapos magkasundo ang mga myembro ng Committee on Ways and Means na pag-isahin ang limang panukala patungkol sa paglilibre sa COVID-19 vaccines, critical medical products, essential goods, equipment at supplies sa lahat ng import duties, taxes at iba pang bayarin tuwing may deklarasyon ng public health emergency sa bansa.
Ayon kay Ways and Means Chairman Joey Salceda, tama naman na hindi lamang ngayong may COVID-19 pandemic dapat ilibre sa mga buwis ang mga bakuna, testing, gamot at mga critical medical products and supplies.
Paliwanag ng kongresista, hindi lang naman ang kasalukuyang pandemya ang panganib na kakaharapin ng bansa kaya dapat lamang na nakahanda na ang pamahalaan para dito.
Inaamyendahan ng mga panukala ang Sections 12 at 16 ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act kung saan nakapaloob dito ang VAT exemptions para sa COVID-19 vaccines, PPEs at mga gamot para sa COVID-19 at iba pang karamdaman.
Sinabi naman ni Salceda na hindi ito magiging problema kahit pa lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay rito dahil ang probisyon sa CREATE ay bukas naman sa iba’t ibang interpretasyon tulad ng kung ang tax exemption ay ipapataw ba sa importers o para lamang sa mga registered enterprises.