Kasunod nang vaccine preference ng mga Pilipino kung saan ang ilan ay mas gustong maturukan sila ng bakunang gawa sa Estados Unidos.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na hindi sapat ang mga tinaguriang ‘stateside’ vaccines para mabakunahan ang lahat o kahit mayorya ng mga Pilipino.
Reaksyon ito ni Roque sa lumabas na Social Weather Station (SWS) survey kung saan 63 percent ng mga Pilipino ay mas prefer o mas gusto ang US-manufactured COVID-19 vaccines.
Ayon sa kalihim, naiintindihan ng pamahalaan base na rin sa kasaysayan na ang mga Pilipino ay mas humahanga talaga sa mga ‘stateside’ products, pero hindi aniya sapat ito para sa lahat.
Paliwanag pa nito, pantay-pantay naman ang lahat ng mga bakuna na mayroon tayo ngayon dito sa bansa dahil napatunayang ligtas at epektibo ang mga ito base na rin sa pagsusuri ng mga eksperto.
Giit pa nito, samantalahin na ang pagbabakuna lalo na kung kabilang sa priority list kaysa maunahan pa at tamaan ng COVID-19.
Sa ngayon, pinakamaraming bakuna sa bansa ay mula sa China na Sinovac na sinundan ng AstraZeneca at Sputnik V.
Ang 193,000 doses ng Pfizer ay donasyon lamang ng CoVax Facility na laan para sa medical health workers, senior citizens at mga mahihirap.