Hinihintay na lamang ngayong ang pag-apruba ng Office of the President hinggil sa mga bakunang ido-donate ng Pilipinas sa Myanmar.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar, isinasailalim na ito sa legal documentation process.
Aniya, sumulat na sina Health Secretary Francisco Duque III at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin hinggil dito.
Paliwanang ng kalihim, kinakailangan kasing mayroon munang pag-apruba ang Office of the President dahil ang mga bakuna ay maituturing na government property dahil ang mga ito ay binili ng gobyerno.
Sa ngayon, wala pang binabanggit ang National Vaccination Operations Center kung gaano kadami o ilang doses ng mga bakuna ang ipapamigay ng Pilipinas sa Myanmar.