Walang nasayang na COVID-19 vaccines sa pananalasa ng Bagyong Maring sa probinsya ng Cagayan.
Sa kabila ito ng mga pagbaha at pagkawala ng supply ng kuryente na naranasan sa lugar dahil sa nagdaang bagyo.
Ayon kay Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Colonel Darwin Sacramed, mayroong mga naka-stand by na generators sa kanilang lugar na nangangalaga sa kalidad ng mga bakuna.
Ito ang dahilan kung bakit walang naiulat ang mga bayan ng Cagayan na nagkaroon ng problema sa COVID vaccines sa kanilang lugar.
Kasabay nito, naibalik na ang supply ng kuryente sa halos lahat ng panig ng Cagayan, maliban na lang sa pitong bayan na mayroon pang ilang barangay na wala pa ring kuryente.
Umabot na rin sa P46 million ang pinsalang iniwan ng Bagyong Maring sa Cagayan.
Sa ngayon, batay sa datos ng Benguet Provincial Disaster Risk Reduction & Management Council ay umabot na sa 15 katao ang nasawi sa bansa dahil sa bagyong Maring matapos mahukay ang dalawa pang biktima sa landslide sa Baguio City.