
Muling iginiit ng Bureau of Customs (BOC) na walang katotohanan na kanilang pinakikialaman ang mga balikbayan boxes na ipinapadala ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Sa Kapihan ng Samahang Plaridel, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na hindi nila kailanman pinapakialam o binubuksan ang mga nasabing mga padala ng OFWs.
Aniya, dumadaan lamang ito sa kanilang inspeksyon habang nasa loob ng nakasaradong container van saka idederetso sa mga warehouse ng logistic provider.
Paliwanag ni Nepomuceno, bubuksan at susuriin lamang ang mga balikbayan boxes kapag nakitaan ito ng kahina-hinalang bagay pero nakaharap dito ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang concerned agencies.
Ang pahayag ng opisyal ay kasunod ng hinala ng publiko na pinakikialaman ng Customs ang mga balikbayan boxes kung kaya’t nais niya liwanagin ito sa publiko.
Dagdag pa ni Nepomuceno na sa ngayon ay umabot na sa 35,476 balikbayan boxes ang naipamahagi sa buong bansa kung saan sinisiguro nila na makakarating ito ng maayos sa pamilya ng mga OFWs habang papanagutin ang mga consilidators na nagpabaya o may kasalanan kaya ito naantala sa mga warehouse.










