Inihain ni dating pangulo at ngayon ay House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang panukalang “Political Party Act” na magpapalakas sa political party system sa bansa.
Nakapaloob sa panukala ang pagpaparusa sa mga balimbing o mga politiko na palipat-lipat ng political party na nagpapakita na wala silang ideological commitment.
Diin ni Arroyo, ang “turncoatism” ay hindi dapat hinahayaan dahil sinisira nito ang konsepto ng “word of honor” at diginidad ng isang tunay na leader.
Sa ilalim ng panukala, ang balimbing na lilipat ng partido isang taon matapos o bago ang eleksyon ay otomatikong maaalis sa kanyang napanalunang posisyon sa halalan.
Pagbabawalan din itong tumakbo sa anumang posisyon sa paparating na halalan bukod at hindi rin maaring maitalaga sa anumang posisyon sa loob ng tatlong taon.
Sa panukala ni Arroyo ay hindi rin sila maaaring humawak ng posisyon sa lilipatang partido at kailangan nitong ibalik ang lahat ng ginastos o ibinigay sa kanya ng iniwanang partido kasama ang 25% surcharge.