Malinaw na pambu-bully sa Senado ang mga banat ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isinasawagang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa isyu ng overpriced na pandemic supplies.
Sa interview ng RMN Manila, inamin ni Senador Richard Gordon na nagtatampo siya sa pangulo dahil sa panghihikayat nito sa publiko na huwag makinig at maniwala sa imbestigasyon ng Senado.
Hindi rin aniya tama na pinapayuhan ni Pangulong Duterte ang mga tao nito na huwag dumalo sa pagdinig na aniya’y maituturing na Culpable Violation of the Constitution at Betrayal of Public Trust.
“Then the people of this country will know na sigurado na na pinagtatakpan niya talaga. Kasi unang pagtakip niya sa COA e, ‘wag niyo pakinggan ang COA’, in other words, he’s destroying the credibility of COA, that’s practically seditious,” ani Gordon.
“Pangalawa, sabi niya, ‘wag kayong makinig dyan sa Senado’ dun naman ako nagtampo. Hindi ako nagalit, nagtatampo ako, bakit naman kailangan mong gawin yan? Finally, name-mersonal na siya, pati hugis ng katawan ko… ewan ko,” dagdag niya.
Dagdag pa ni Gordon, sa halip na kunsintihin ay dapat na alamin ng pangulo kung totoo ang ginagawa ng kanyang mga appointees.
“Talagang ang laro ng presidente ay macho, pinapakita niya na loyal siya sa tao niya, walang mangyayari dun e dahil ang importante rito ay hindi yung ikaw ay siga, ikaw ay macho, ang importante rito wag mong kinukunsinte.”
You have to have the moral ascendancy over your people para susundin ka. Pero kung wala yun, e talagang aalagwa yang mga yan. Ito na umaalagwa na, bilyun-bilyon ang nawawala,” giit pa ng senador.
Sa Talk to the Nation ni Pangulong Duterte kahapon, matatandaang binanatan niya si Gordon na tinawag nitong ‘talkathon champion’ na aniya’y puro daldal lang pero wala namang naipakulong.