Mga bangko, hinikayat na luwagan ang proseso sa pagpapautang sa mga maliliit na negosyo

Hinimok ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang mga bangko na maging maluwag sa pagtulong sa mga maliliit na negosyo.

Ayon kay Salceda, ngayong itinaas sa “stable” mula sa negative ng Moody’s Investor Service ang outlook nito sa Philippine banking sector, umaasa siya na mababawasan na ang excuses o dahilan ng mga bangko para sa pagpapautang sa small businesses.

Mahalaga aniya ngayon na mapadali ang proseso ng pangungutang sa mga bangko lalo na ng mga naghihingalo ngayong negosyo dahil sa epekto ng pandemya.


Iminungkahi ni Salceda ang pagbibigay ng mga bangko sa mga maliliit na negosyo ng mas magaang terms sa pagbabayad ng utang, gayundin ay dapat may options para sa restructuring para sa mga borrowers na mayroon pang bayarin.

Inirekomenda rin ni Salceda ang pagkakaroon ng flexible arrangements upang matiyak na ang kasalukuyang debt load ay hindi magiging non-performing.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na nanatiling matatag ang mga bangko sa bansa dahil ginamit ng mga ito ang P1.9 trillion na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa trade market sa halip na ipantulong o ipahiram sa mga nahihirapang negosyo.

Facebook Comments