Inirekomenda ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa Department of Health (DOH) na maglagay na agad ng gamot sa leptospirosis na doxycycline sa mga barangay at sa mga paaralan na ginagamit bilang evacuation center tuwing may kalamidad.
Suhestyon ito ni Garin makaraang mahirapan ang mga lokal na pamahalaan na makapagbigay agad ng doxycycline sa apektadong mga residente ng manalasa ang Bagyong Paeng.
Ito ay dahil ang supply ng doxycycline ay kailangan pang kunin sa DOH Regional Offices.
Inihalimbawa ni Garin sa kanyang distrito na inabot ng anim na araw matapos ang Bagyong Paeng bago nakarating ang doxycycline habang may ilang lalawigan na matinding tinamaan ng bagyo ang hindi pa ito napakikinabangan hanggang sa ngayon.
Paliwanag ni Garin, ang leptospirosis ay sakit na maaring maiwasan kung makakainom agad ng gamot ang taong apektado nito pero ang problema hindi ito naisasagawa dahil hindi available ang mga gamot at kailangan pang kunin sa tanggapan ng DOH.
Bunsod nito ay Umaasa si Garin na rerebyuhin ng DOH ang prepositioning ng doxycyxline lalo na at isa ito sa mga gamot na kailangan sa panahong may kalamidad.