Manila, Philippines – Ipinasasama ni House Committee on Public Information at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy sa Anti-Hazing Bill ang mga gangs at fraternities sa mga kapitbahayan at mga barangay.
Sa House Bill 3467 na inihain ni Herrera-Dy, nililinaw na hindi lamang limitado sa mga fraternities, sororities at clubs ang hazing kundi sakop nito ang ibang lugar o sektor kahit sa mga maliliit na barangay.
Tinukoy ng kongresista na karaniwang sangkot dito ay mga out-of-school-youth at mga estudyante mula sa junior at senior high school.
Sa House Bill 3963 naman ay inaatasan ang mga local government officials na i-monitor ang mga gangs at fraternities sa mga lugar na nasasakupan.
Hinihingan din ng kooperasyon ang mga barangay officials at school principals na maging alerto sa mga estudyanteng nasasangkot sa frat at gangs gayundin ang paggawa o pagsubok sa mga iligal na gawain bilang bahagi ng kanilang initiation rites.
Nababahala ang mambabatas dahil madalas na ang mga frats at gangs ang ginagamit ng mga organized crime sa human trafficking, illegal drugs, at prostitusyon.