Mga Barangay ng Cauayan City, Tapos na sa SAP Distribution Maliban sa San Fermin

Cauayan City, Isabela – Tanging ang Brgy. San Fermin na lamang ang hindi pa natatapos at nakapagpasa ng final list ng mga nabahaginan ng Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD sa Lungsod ng Cauayan.

Sa napag-alamanang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa City Interior and Local Government, maliban sa San Fermin, hinihintay din nila ang listahan ng brgy District 1 kung sino ang mga pinal na nabahaginan ng ayuda.

Sa 65 na barangay ng Lungsod ng Cauayan, 39 sa mga ito ay nakasunod na sa kautusan ng DILG na ipaskil ang pangalan ng mga aktuwal na nakatanggap ng ayuda at 24 ang hindi pa nakakapag poste.


Batay sa utos ng DILG, kinakailangang ilagay ang pangalan ng mga tumanggap sa tatlong lugar sa bawat barangay.

Isa sa disclosure board na itinakda ng kagawaran at ang dalawang lugar ay nakadepende na sa mga barangay officials kung saan ang napiling mataong lugar.

Sa kabuuan, batay pa sa inilabas na datos ng City Interior and Local Government, umaabot sa 14,854 na pamilya ang aktwal na nakatanggap ng ayuda.

Mula ito sa 16,483 na ipinasa ng mga barangay officials sa DSWD.

Umabot sa 1,529 na mga pangalan ang hindi naabutan ng ayuda dahil hindi nakapasa sa panuntunan ng DSWD sa mismong araw ng pamimigay sa pondo.

Sa bilang na ito ay hindi pa kasali ang bilang mula sa Brgys District 1 at San Fermin sa kadahilanang wala pa silang naipasa.

Ang San Fermin ang pinakamalaking barangay sa Cauayan City kung ang pagbabasehan ay bilang ng populasyon nito.

Samantala, ang Barangay Minante Uno naman ang may pinaka maraming na reject ng DSWD sa mismong araw ng pamimigay ng ayuda na umabot sa 216 na pamilya.

Facebook Comments