Mga barangay sa bansa, pinangangambahang malantad sa cybersecurity at hacking!

Nagpahayag ng pangamba ang ilang mambabatas sa posibilidad na malantad sa hacking ang mga barangay sa bansa.

Ito ay matapos na ianunsyo ng Dito Telecommunity na nakahanda na silang magtayo ng mga cell tower sa loob ng base military at hinihintay na lang ang go signal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa kanyang pahayag, kinumpirma ni Dito Chief Technology Officer Rodolfo Santiago na natukoy na nila ang lugar ng pagtatayuan ng limang tower at handa na ang konstruksyon nito.


Sakop nito ang Quezon City, San Juan City at Mandaluyong City na may kabuuang populasyon na 3,444,995 mula sa 191 na barangay kabilang na ang barangay ng Camp Aguinaldo, AFP.

Pangamba ng ilan, ang pagtatayo ng cell site ng state-owned ChinaTel na joint venture sa Dito Telco ay posibleng maglantad sa hacking at data privacy violations lalo na’t nasa 45 na milya ang average range nito.

Inihayag din ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang Dito ang unang pribadong kompanya na nauugnay sa cybersecurity intelligence platform dahil konektado ito sa state-owned company na ChinaTel na may mandatong magbigay ng mga sensitibong impormasyon sa Chinese government sa pamamagitan ng communications infrastructures.

Sa pagtatayo ng limang tower, nabatid na nasa Camp Aguinaldo ang Base Transceiver Stations (BTS) nito kung saan maaring payagan ang hacker na ikompromiso ang kaligtasan ng mga software at radio equipment sa pamamagitan ng man-in-the-middle (MITM) attacks.

Ang MITM attacks ay nagaganap kung ang hacker ay sikretong nag-eespiya sa pag-uusap ng dalawang partido ng hindi nalalaman.

Imbes na magbenepisyo ang publiko sa kasunduan ng Dito/ChinaTel at AFP, pinangangambahan na mas lalo pang malantad sa cybersecurity at hacking ang bansa lalo na’t nasa anim pang military base at dalawang kampo ng pulisya ang lalagyan ng tower sa Western, Central at Eastern Visayas na may kabuuang populasyon na 19,373,431.

Bunsod nito, nagpahayag si Sen. Grace Poe ng pagkabahala sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Dito/ChinaTel at AFP may kaugnayan sa public security, safety at privacy risks.

Giit ni Poe, hindi dapat payagang itayo ang mga communications infrastructure ng ChinaTel sa mga kampo dahil na rin sa mga confidentiality operation ng bansa.

Binigyan-diin naman ni Sen. Panfilo Lacson ang report ng DICT na nasa 13 million malware ang natuklasang naikalat sa mga flash drives para sa ibat ibang layunin.

Batay sa datos ng DICT Cybersecurity Bureau, nasa 7 million users sa Pilipinas ang naha-hack online habang tumaas ng 50 percent ang cyber threats.

Bunsod nito, ikinasa ng DICT ang isang komprehensibong national cybersecurity plan para masolusyunan ang pagkakalantad ng publiko laban sa mga cyber criminals, hacktivists, terrorists at state-sponsored violations.

Sinimulan na rin ang isang national computer emergency response process na nagdi-detect at nag-a-assess ng mga nasabing insidente sa pamamagitan ng information gathering, pagresponde at pag-aksyon ng crisis management.

Facebook Comments