Ipinag-utos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa 42,045 barangay sa buong bansa na bumuo ng kanilang sariling contact tracing teams.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mahalaga na magkaroon ng contact tracers na magmumula mismo sa sariling lugar lalo pa’t dumarami ang komunidad na lantad na sa Coronavirus transmissions.
Isa rin sa mga dahilan nito ang pagiging pamilyar na sa mga residente sa barangay.
Paliwanag pa ng kalihim, magsisilbing first responders ang mga ito para matiyak na lahat ng residente na infected ay ma-monitor.
Dagdag pa ni Año, lahat ng contact tracers na inorganisa ng barangay ay sasanayin ng Local Government Academy at Philippine Public Safety College.
Una nang inanunsyo ng DILG ang deployment ng higit sa 69 libong contact tracers sa buong bansa para hanapin ang mga COVID-19 positive case at mga close contacts nito.