Pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang kahandaan ng mga barangay sa pagharap sa mga sakuna at iba pang emergency sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga tolda at emergency go-bags.
Ang nasabing mga kagamitan ay pinondohan ng city government kung saan ginanap ang ceremonial turnover nitong November 12.
Nasa sampung tolda ang ilalaan sa malalaking barangay habang tiglilimang tolda naman ang matatanggap ng mas maliliit na barangay upang matiyak na may magagamit na kagamitan ang mga ito sa oras ng emergency.
Kasabay nito, palalakasin din ang SAFEnet program sa mga barangay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Family Values Talks gayundin ang CPR at Disaster Preparedness Training na pangangasiwaan ng CDRRMO.
Bahagi rin ng programa ang pamamahagi ng emergency go-bags sa mga pamilya, na may kalakip na medical first-aid kit para sa mga pangunahing pangangailangang medikal sa panahon ng sakuna.
Nagkaroon din ng demonstrasyon upang ituro ang wastong paggamit ng mga go-bags, na maaari ring magsilbing pantulong sa paglutang o floater sa oras ng pagbaha at iba pang emergency.
Magpapatuloy naman ang pamamahagi ng emergency go-bags sa mga pamilya sa lungsod para sa kahandaan at kaligtasan ng komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








