Ikinakabit na ng mga barbero sa China sa mahahabang patpat ang mga kagamitan nila sa paggugupit bilang pag-iingat sa kumakalat na COVID-19.
Kinuhanan ni He Bing, 30-anyos hairstylist, ang dalawa niyang katrabaho na ginagawa ang “long-distance haircut” sa isang salon sa Luzhou, Sichuan noong Marso 1, sa ulat ng Newsflare.
Makikita sa video ang mga barbero na nagseserbisyo gamit ang brush, razor, at blower na nakakabit sa dulo ng patpat na may habang tatlong talampakan.
Bukod sa dumidistansya sa kostumer, protektado rin ng face mask ang mga barbero habang naggugupit.
Naisipan umano ito ng may-ari ng salon upang maging kampante ang mga kliyente na ligtas sila mula sa pinangangambahang virus.
Ipinayo na rin sa publiko ng World Health Organization ang pagpapanatili ng tatlong talampakang distansya sa kahit sinumang may ubo o sipon.
Nasa 90,000 na ang naitalang tinamaan ng novel coronavirus, habang higit 3,100 naman na ang namatay rito.
Samantala, sa Pilipinas ay mayroon ng 24 kumpirmadong kaso ng virus sa oras na ito.