Mga baril at armas na pag-aari ni Pastor Apollo Quiboloy, ipinakakansela ng isang senador sa PNP

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Philippine National Police (PNP) na bawiin at kanselahin na ang mga armas at baril na pag-aari ni Pastor Apollo Quiboloy.

Iginiit ni Hontiveros na armado at mapanganib ang religious leader at mayroon din itong mga armadong sundalo na handang magpakamatay para kay Quiboloy.

Aniya, dapat lamang na kumpiskahin agad ng PNP ang mga armas matapos na kumalat sa social media ang mga larawan at video na nagsasanay ang kanyang mga diumano’y private armies.


Sinabi ng mambabatas na alam na dapat ng PNP ang kanilang gagawin at dahil pugante na si Quiboloy ay hindi aniya dapat mag-alangan ang Pambansang Pulisya sa pagbawi sa mga armas nito.

Noong nakaraang linggo ay sinabi ng PNP na hindi makukunsiderang ‘armed and dangerous’ si Quiboloy kahit pa may 19 na baril na nakarehistro sa kanya at hindi rin maiuugnay sa pagmamay-ari ng baril ang mga kasong kinakaharap nito sa korte.

Facebook Comments