Mga barko ng navy at coast guard, dapat gamitin sa paghahatid ng food supplies sa mga sundalong nagbabantay sa ating mga isla

Iginiit ng isang maritime expert na dapat ang mga barko ng Philippine Coast Guard at Navy ang nagre-resupply ng mga pagkain at iba pang kagamitan sa mga nagbabantay sa ating mga teritoryo.

Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Professor Jay Batongbacal na kapag ang mga sundalo kasi ang magdadala ng supply ng pagkain ay hindi sila pwedeng basta na lamang harangin ng foreign vessels.

Ito ay kasunod ng insidente noong martes kung saan hinarang at binomba ng water canon ng Chinese vessels ang dalawang supply boats ng Pilipinas na magtutungo sa Ayungin shoal para magdala ng mga pagkain.


Ayon kay Batongbacal, saklaw ng Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos ang public vessels kung kaya’t agad na aaksyon ang U.S sakaling magkaroon ng banta laban sa atin.

Samantala, naniniwala naman si Batongbacal na dapat maging consistent ang gobyerno sa paninindigan sa ating mga teritoryo upang ipakita sa ibang bansa na handa nating depensahan ang ating mga isla.

Ang Ayungin Shoal ay bahagi pa rin ng Kalayaan Island Group na nakapaloob sa Exclusive Economic Zone ng pilipinas.

Facebook Comments