Patuloy na nililinis ng mga tauhan ng Manila Department of Public Service (DPS) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nagkalat na basura at halaman sa Manila Bay.
Partikular na hinahakot ang mga basura’t halaman ay sa may bahagi ng Dolomite beach malapit sa US Embassy.
Nabatid na dahil sa dalawang magkasunod na araw na pag-uulan dito sa lungsod ng Maynila ay sangkaterbang mga basura’t halaman ang inanod sa dalampasigan ng Manila Bay at sa Dolomite beach.
Ang ilang bahagi ng Dolomite beach ay lubog sa tubig at natatabunan ng basura dahil sa lakas ng alon dulot ng pag-uulan kung saan pinangangambahan na muli itong masira at anurin ang mga artificial na buhangin.
Sa kasalukuyan, unti-unting natatanggal ang mga nagkalat na basura kung saan umaalalay na rin ang ilang tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).