Nagsanib pwersa ang Moriones Tondo Police Station (MPD Station-2) at Manila Department of Social Welfare (MDSW) para makuha at mailigtas ang mga bata at nakakatanda na paggala-gala sa ilang bahagi ng Maynila.
Partikular na ikinasa ang rescue operation sa kahabaan ng CM Recto Avenue sa may bahagi ng Divisoria.
Nasa 20 indibidwal ang nasagip kung saan 8 sa kanila ay mga bata.
Nabatid na karamihan sa mga bata na nasagip ay sumisinghot ng rugby o solvent habang ang ilan naman ay mga namamalimos at paggala-gala sa Divisoria.
Ang iba sa mga bata at kabataan ay nakatakbo kung kaya’t plano ng MDSW at MPD Station-2 na balikan ang Divisoria sa mga susunod na araw.
Ang mga nasagip naman ay dinala sa Delpan Evacuation Center para sa pansamantalang pananatili habang inaalam na ang background ng mga ito.