Para kay Dr. Rontgene Solante isang Infectious Diseases Specialist, mahalagang maikonsidera na rin dito sa Pilipinas ang pagbibigay ng booster dose sa mga batang lima hanggang labing isang taong gulang.
Ayon kay Dr. Solante, ito ay kasunod narin nang pag-apruba sa pagbibigay ng 2nd booster dose sa mga health workers at senior citizens.
Pagbibigay linaw nito na kaya pinayagan na nila ang pagtuturok ng 2nd booster dose sa A1 at A2 category ay dahil sa pagiging lantad ng mga ito sa sakit dahil sila ang direktang humaharap sa mga taong may karamdaman o mas madaling tamaan ng sakit dahil narin sa edad.
Aniya, ang mga batang edad lima hanggang labing isang taong gulang ay maituturing din namang kabilang sa vulnerable population kaya kailangan din nila ng booster shot.
Matatandaang sa Estados Unidos mayroon ng go signal ang pagtuturok ng 1st booster dose sa nabanggit na age group basta’t sila ay fully vaccinated sa nakalipas na 5 buwan.
Gayunpaman, sa ngayon kasi aniya ay ang mga kabataang edad labing dalawa hanggang labing pitong taong gulang ang inuuna munang pinag-aaralan ng mga eksperto para mabigyan ng booster shot.