Mga batang ina, maaaring dumami sa mga lugar na nasalanta ng bagyo

Pinapakilos ni Senador Win Gatchalian ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para agapan ang pagtaas ng mga kaso ng ‘teenage pregnancy’ o maagang pagbubuntis sa mga lugar na nasalanta ng nagdaang mga bagyo.

Inihalimbawa ni Gatchalian, ang pananalasa ng Bagyong Yolanda sa Eastern Visayas na base sa pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST) – National Research Council of the Philippines na nagdulot ng 23.5 percent pagtaas sa mga babaeng teenagers na nabuntis.

Ayon kay Dr. Gloria Luz Nelson na may akda ng naturang pag-aaral, ang mga batang may edad na 10 hanggang 19 ang humaharap sa pinakamatinding panganib sa mga relocation at evacuation centers, kung saan maaari silang pagsamantalahan at mabuntis.


Para kay Gatchalian, dapat maging hudyat ito sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang mga local government units, na siguruhin ang proteksyon ng mga kabataan, lalo na ng mga batang babae sa mga evacuation at relocation centers.

Dagdag ni Gatchalian, sa ganitong sitwasyon ay mahalaga ang pagpapatuloy ng edukasyon, pati mga programa sa child protection at reproductive health.

Ang kasalukuyang COVID-19 pandemic ay isa sa sanhi ng pagdami ng mga batang ina katulad ng nangyari noong kasagsagan ng Ebola oubtreak sa Sierra Leone, ayon pa sa senador.

Facebook Comments