Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na makalabas ang mga batang limang taong gulang pataas sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) at General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi kasama rito ang mga lugar na nakataas sa heightened restrictions.
Ang mga lugar na pwedeng mapuntahan ng mga batang limang taong gulang pataas ay ang mga sumusunod: parks, playgrounds, beach, biking at hiking trails, outdoor tourist sites at attractions.
Gayundin ang outdoor non-contact sports court at alfresco dining establishment.
Nilinaw naman ni Roque, hindi pa rin pinapayagan ang mga bata na gumala at maglibot sa mall.
Paalala naman ni Roque, kinakailangang may superbisyon ng mga magulang ang paglabas ng mga bata at mahigpit na sundin ang health protocol para masigurong ligtas ang mga ito sa COVID-19.
Maaari namang dagdagan ng Local Government Unit (LGU) ang age restriction para sa mga bata depende sa sitwasyon ng COVID-19 sa kanilang mga lugar.