Ipinare-review ni Senator Risa Hontiveros ang mga batayan para sa pagtataas ng sahod ng mga healthcare workers.
Giit ni Hontiveros na panahon na para repasuhin ng gobyerno ang position, classification at compensation scheme ng mga healthcare workers mula doktor hanggang sa barangay health at nutrition workers.
Binigyan diin ng senadora na dapat lamang na mabigyan ng tamang sahod ang mga healthcare workers habang tinitiyak ang agwat sa sweldo sa pagitan ng mga public at private healthcare workers sa national at local.
Nauna rito ay tiniyak naman ng Department of Health (DOH) sa pagdinig sa 2023 budget ang pangako na ipapatupad na ang pag-angat sa base pay ng mga government nurses sa Salary Grade 15 o P35,097 gayundin ang pagbabayad sa benepisyong nararapat sa ating mga healthcare workers.
Maliban dito ay isinusulong din ng senadora sa DOH na masilip ang mga unobligated funds para sa taong ito at i-realign sa pagbabayad sa unpaid claims ng mga health workers.