Sekyu, Timbog sa Pagbebenta ng Undocumented Gun

Arestado ang isang sekyu sa ikinasang entrapment operation pasado alas-4:45 ng hapon nitong November 25, 2022 sa Washington Street, Purok 1, Barangay Wacal, Solano, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ng Police Regional Office 2, kinilala ang suspek na si Arman Ignacio, 36-anyos, may asawa at residente ng Purok 3, Brgy. Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, isang impormante ang nagbigay ng impormasyon sa mga operatiba na nagbebenta ng caliber 45 pistol ang suspek na nagkakahalaga ng P40, 000.

Inabisuhan ng mga operatiba ang impormante na sabihin sa sekyu na isang indibidwal ang interesado na bumili ng baril hanggang sa napapayag niya ito.

Nakumpiska sa kaniyang pag-iingat ang isang COLT MK IV caliber .45 pistol (serial number N2426832);isang magazine na naglalaman ng pitong (7) bala; buy-bust money at boodle money; cellphone at maging ang kanyang motorsiklo na walang plaka.

Mahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng mga Solano Police Station.

Facebook Comments