Mga benepisyaryo ng 4Ps, dapat himukin ng DSWD na magpabakuna

Iminungkahi ni Senador Francis “Tol” Tolentino sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglatag ng plano kung paano mas makukumbinsing magpabakuna ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.

Sa datos na binanggit ni Tolentino, nasa 16 na porsyento pa lamang ng 4Ps beneficiaries ang bakunado.

Aminado si Tolentino na nakakadismaya ang mababang vaccination rate sa mga benepisyaryo ng 4Ps.


Subalit, tiwala si Tolentino sa kakayahan ni DSWD Secretary Rolando Bautista na makakapaglatag ito ng mga malikhain at epektibo subalit makataong pamamaraan upang ang mga kabilang sa nabanggit na sektor ay mahikayat na magpabakuna.

Aprub naman para kay Senate Committee on Finance Vice Chairman Senator Imee Marcos ang mungkahi ni Tolentino.

Dagdag pa ni Marcos, dapat mas palaganapin ng pamahalaan ang pagpapakalat ng impormasyon na nakabatay sa siyentipikong pananaliksik upang mas maraming 4Ps beneficiaries pa ang magbakuna.

Facebook Comments