Pinanindigan ni Committee on Basic Education Chairman Senator Win Gatchalian na dapat ng simulan ang ligtas na pagbabalik-eskwela sa mga lugar na wala o may kaunting kaso ng COVID-19.
Tiwala si Gatchalian na sa pamamagitan ng limited face-to-face classes ay magkakaroon ng learning recovery sa gitna ng mga pinsalang dulot ng COVID-19 sa sistema ng edukasyon.
Paliwanag ni Gatchalian, may programa sa mga paaralan na sumusuporta sa mga pangangailan ng mag-aaral tulad ng school-based feeding program, andyan din ang para sa kanilang kalusugan tulad ng deworming at pagbabakuna.
Binanggit din ni Gatchalian ang mga bata na nanganganib na dumanas ng karahasan at pang-aabuso sa loob ng kanilang tahanan ay maaaring matulungan ng mga child protection programs ng eskwelahan.
Sabi ni Gatchalian, makakatulong din sa mental health ng mga estudyante ang pakikipag-ugnayan sa kanilang kapwa mag-aaral at ang sapat na paggabay mula sa kanilang mga guro.
Diin pa ni Gatchalian, mas malaki ang posibilidad na mahawa ng COVID-19 ang mga kabataan sa komunidad kesa sa mga paaralan, basta’t ipagpatuloy lang ang health protocols tulad ng pagsuot ng mask, physical distancing, regular na paghuhugas ng kamay, at disinfection.
Ayon kay Gatchalian, base ito sa mga pag-aaral na ginawa ng Centers for Disease Control and Prevention sa Estados Unidos, Public Health Agency ng Northern Ireland at University of Warwick sa Inglatera.