
Ibinida ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga best practices sa decongestion, prison health, parole & probation, at reintegration programs ang ilan lamang sa mga proyektong ipagmamalaki ng dalawang corrections agencies ng Pilipinas sa isasagawang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Regional Correctional Conference (ARCC) na gaganapin sa ating bansa.
Pangungunahan ng BJMP at Bureau of Corrections (BuCor) ang event na gaganapin sa Palawan sa darating na February 14 hanggang 17 ngayong taon.
Ayon kay BJMP Spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera, kabilang sa pumukaw sa atensyon at nais gayahin ng ibang correctional institution sa ibang mga bansa ang development programs ng BJMP gaya na Alternative Learning Schools o ALS.
Sa ilalim kasi ng ALS, sa sandaling magtapos ang isang Persons Deprived of Liberty (PDL) ay awtomatikong may kaakibat na pagbabawas ng sintensya na nakapaloob sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Bukod dito ay nais ding matutuhan ng jail agency ng ibang mga bansa ang konsepto ng prisons without walls sa Palawan.
Ito na ang ikalawang taon ng ASEAN Conference na dadaluhan ng mga head ng prison agencies mula sa siyam na ASEAN countries kasama na ang Singapore, Malaysia at anim na iba pang international partner organizations.